Kabanata 4

1 0 0
                                    

__________

Kabanata 4
__________

"Mahigpit kong ipinagbabawal na pumunta ka sa kagubatang iyon!" Galit na wika nito habang salubong ang mga kilay na nakatingin sa akin. Nasa harapan ko siya't pabalik-balik na naglalakad sa harapan ko.

"Ama, patawad. Hindi na po mauulit." Sagot ko at pagkuwa'y yumuko dahil sa hiya.

"Hinding-hindi na talaga mauulit! Paano nalang pala kanina kung hindi ako dumating? Paano kung pinagdiskitahan ka ng mga taong iyon? Paano kung napahamak ka? Hindi mo ba iyon naisip?!"

Mas lalo akong napayuko dahil sa pagsesermon niya. May katuwiran kasi lahat ang mga sinabi niya. Maaari nga naman akong mapahamak dahil sa paglabag ko sa utos niya.

Oo, siya ang kaninang nagtakip sa bibig ko't pumigil sa akin na kumilos. Kung siguro'y pinilit kong makaalis sa mga oras na iyon agad ay maaari nila akong makita. Hindi ako nakapag-isip ng mabuting aksiyon kanina. Masiyado akong padalos-dalos.

"Nakita mo sila, hindi ba? Nakita mo ang armas nila? Hindi mo sila kakayanin kung sakali. Mapapahamak ka!" Muling wika nito ngunit batid kong labis lamang siyang nag-aalala.

"Ama, patawad. Hindi ko na po uulitin." Mahina kong sambit habang nananatiling nakayuko. Hiyang-hiya ako dahil ito ang unang beses na sinuway ko ang utos niya. Nakokonsensiya ako.

Ilang sandali rin ay wala na akong narinig na pagsesermon niya. Tanging malalim na buntong-hininga na lamang ang ginawa niya.

"Sige na, magpalit kana't baka magkasakit ka pa." Malumanay na nitong wika kung kaya't agad na akong tumalima sa utos niya.

Basang-basa pa ako dulot ng malakas na buhos ng ulan kanina. Maging si ama'y basa rin dahil sa paghahanap niya sa akin kanina kung kaya't mas lalo akong nakokonsensiya. Siya pa ang nakahanap kay Capricorn kung kaya't napag-alaman niyang nasa kagubatan ako. Imbes na magpahinga siya dahil sa malayong nilakbay niya ay hinanap niya pa ako. Dapat kasi talaga ay hindi ko na lamang pinuntahan ang kagubatang iyon.

"Sa susunod huwag ka ng tumakbo palayo a, pati si ama nag-aalala." Wika ko sa harapan ni Capricorn na abala sa pagkain ng mga damo.

Batid ko namang hindi niya ako maiintindihan ngunit gusto ko siyang pagsabihan. Nakakatampo kasi, kung hindi lamang siya nagtatakbo patungo sa kagubatang iyon ay hindi naman ako tutungo roon.

Nakakatakot nga naman talaga kasi ang gubat na iyon lalo na kapag gabi at saka, 'yong mga tao kaninang naroroon. Oo at tila ba nagkakasiyahan sila ngunit nakakatakot pa rin ang kanilang mga mukha. Idagdag pa ang mga dala-dala nilang armas, nakakamangha ngunit mapanganib. Hindi ko rin lubusang maintindihan kung bakit kinakailangan pa nilang patayin ang mga ibon na dala-dala nila. Wala namang ginagawang masama ang mga ibon, kung tutuusin nga ay nakakagaan sa pakiramdam na marinig ang awit ng mga ito habang sila'y nasa sanga ng mga puno.

Hindi ko mapigilang hindi mapabuntong-hininga habang inaalala ang kaninang nasaksihan ko. Ngayo'y batid ko na ring may mga katulad din namin ni ama ang nabubuhay ngunit nasa magkabila nga lang sigurong dimensiyon ang aming mga mundo. Ang hindi ko na lamang maintindihan sa ngayon ay kung bakit pilit akong inilalayo ni ama roon. Bakit ayaw niyang makita ko ang nasa dulo ng kagubatang iyon? Sadya kayang mababangis ang mga naroon na masiyadong ipinag-aalala ni ama na makasalamuha ko? Bakit?

Nang gabi ring iyon ay puno ng katanungan ang isipan ko dahil sa mga nangyari't nalaman. Hindi ko naman magawang tanongin si ama sapagkat alam kong magagalit siya. Batid kong ayaw niyang pinag-uusapan ang tungkol sa bagay na iyon. Oo at ayaw ko rin naman ngunit masiyado ng maraming tumatakbong mga bagay sa isipan ko na ninanais kong masagot ngunit hindi ko rin alam kung papaano. Mas lalo akong nauusisa sa kung ano ba talagang mayroon pagkatapos ng kagubatang iyon. Ano ba talaga ang totoo?

The Gifted Unknown Where stories live. Discover now